May 07, 2005
Th...ir,ahem...ty
Nitong mga nakaraang araw, parati kong nahuhuli ang sarili ko na nag-mumuni. E kasi, malapit na akong tumuntong ng trenta ngayong buwan.Tumuntong.
Kumbaga sa isang paikot na hagdanan, kung dati rati ay umaakyat lang ako ng mga pare-parehong baitang, ngayon, biglang nasa landing na pala ako at papaliko na uli para umakyat ng isa nang panibagong hagdanan.
Bigla.
Wala akong maalalang ganitong pakiramdam noong nakarating ako sa edad bente. Parang ganun lang din naman dapat ito kung transisyon lang naman ang pag-uusapan. Pero bakit parang iba. Imbes na antisipasyon sa kung ano ba ang mangyayari sa mga susunod na pag-akyat, parang pagod at takot pa yata ang nangingibabaw.
Sabi ni ikabod, edad 34, habang kumakain kami sa superbowl sa gateway mall nung isang gabi, iba rin talaga ang pagte-trenta. Eto yung taon na biglang malayo na ako sa mga twenty-something, kagaya ni bananarit na bising-bisi sa pagkain ng bineyk na tahong, dahil nakahanay na ako sa mga thirty-something, gaya nya na matagal sumagot sa isang simpleng tanong. At habol pa nya, kung tutuusin, trenta na ako ngayon at makukumpleto lang yun ng mismong kaarawan ko. Pagkatapos ng mismong kaarawan, mahigit trenta na ako. Nakagaan lalo ng pakiramdam ang mga realisasyong iyon.
Pero bago pa ang usapang iyon, tinanong ko pala sya kung ano ang ginawa nya na masasabing major nung trenta sya. Nag-resign daw sya sa trabaho. Pero mas marami pa raw syang major na ginawa nung pre-thirty years nya kagaya ng pag-asawa, paghiwalay, at pag-asawa. Dagdag pa nya, pagkatapos ng ilang minutong pagngunguya, eto yung edad na wala na syang inisip na urgent na gawin pa sa buhay di gaya nung kabataan na may mga sinet na goals na dapat tuparin. Kung meron mang deficit dun sa mga pangarap, gaya ng backpacking throughout southeast asia, pwede pa ring habulin.
Busog ako pagkatapos ng hapunang iyon!
eyed at 3:38 PM